Thursday, September 30, 2004

ang guro

masarap siguro ang maging isang guro...
may mga mag-aaral na makikinig at magtatanong sa iyo...
mga murang isip na uhaw sa pagka-alam at nagnanais maka-unawa...

iyon ang akala ko...

nakapapagod rin pala ang magturo
nakatatakot
nakababagot
at minsan nakawawalang gana...

ngunit sabi nga nila sa bawat karanasan ng kawal'an
naririya't naririyan ang pagsibol ng bago at lumalagong pag-asa...

sa aking pagtuturo, pati ako natututo
hindi lamang ang mga bata ang uhaw at nagnanais maka-alam
maging ang guro...
nananalaytay sa ugat at dumadaloy sa dugo
ng isang guro ang pananais na makapag-bahagi at ang
maki-bahagi sa buhay ng bawat mag-aaral
na kanyang nakasasalamuha...

ngunit ang mga mag-aaral kaya... uhaw kaya silang malaman ang mga nagaganap sa buhay ng isang guro...

nalalaman kaya nila ang buhay ng kanilang mga guro sa likod ng
pinilakang tabing ng mga ngiti, pagsusulit at minsanang mga sigaw?

marahil oo...
maari ding hindi...

ngunit isang bagay ang tiyak
at maaaring panghawakan...

bumubukal sa pakikipag-ugnayan
ng guro at ng mag-aaral ang kaalaman...

ang tunay na karunungan sa puso nagmumula...

isang balintuna marahil ang aking sinasabi
pagkat papaanong ang puso ang mag-iisip...

kapag puso na ang nangusap
may roon itong mga katuwiran...
silang mga nagkakaunawan
sanhi ng pakikipag-ugnayan at pagbubukas ng kalooban
ang tanging nagkakaintindihan

pagkat ang puso ay may mga dahilan...
na maging ang isip di kayang pantayan...


Tuesday, September 28, 2004

Wika at Paggawa

masasabi na ang lahat ng maaaring masabi
ngunit ang pinakamahalaga ay hindi masasabi...
magagawa lamang...